Sisimulan na ng pamunuan ng Greenhills Shopping Center ang pagpapatupad ng safety measures sa oras na magbukas muli ang establisyemento sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Batay sa ulat, sa ilalim ng bagong polisiya ng shopping center, aabot lamang sa 1,682 ang papayagang makapasok sa loob ng establisyemento.
Malayo ito sa normal na bilang na pumapasok sa loob na 10,000.
Ang mga stall din sa iba’t-ibang palapag ay inoobligang magkaroon dalawang metrong distansya para maiwasan ang pagdami ng tao sa iisang lugar.
Magkakaroon naman ng 3-step distance ang mga customer na gagamit ng escalator habang apat lang ang maaaring magsabay sa paggamit ng elevator.
Samantala, mananatiling sarado naman ang Muslim Prayer Room at ang Chapel of the Holy Family para maiwasan ang mass gatherings.
Magugunitang noong Marso naitala ang pang limang kaso ng COVID-19 kung saan ang pasyenteng ito ay madalas ng nagtutungo sa naturang Muslim Prayer Room.