Kung gusto mong pumorma o mag-shopping but you’re on a budget, maraming pwedeng puntahan katulad ng Divisoria, mga tiangge, at kamakailan lang ay nauso ang thrift shopping o ukay-ukay. Pero hindi pahuhuli ang one-stop shop na Greenhills Shopping Center na kabilang pala sa U.S. Counterfeit List o nagbebenta ng mga peke.
Ang buong kwento, alamin.
Nito lamang January 8 ay inilabas na ng United States Trade Representative o USTR ang Review of Notorious Markets for Counterfeiting and Piracy para sa katatapos lamang ng taon.
Sa ikatlong pambihirang pagkakataon, kabilang na naman sa nasabing listahan ang Greenhills Shopping Center na matatagpuan sa San Juan, Manila.
Kilala ang Greenhills Shopping Center bilang one stop shop para sa maraming Pilipino dahil sa nakakalulang kaliwa’t kanang mga tindahan na bubungad sa’yo pagpasok mo rito.
Katulad ng sinabi sa report, samu’t-sari ang mabibili sa nasabing mall at kabilang diyan ang mga damit, relo, pabango, accessories, at gadgets. Pero makasisiguro ka nga ba na totoo ang tatak na binabayaran mo?
Ayon sa kaparehong report, nakikipagtulungan ang National Committee on Intellectual Property Rights sa management ng Greenhills Shopping Center upang gawin itong high-end mall na kung saan ay puro original lang ang mga ibebenta.
Nagsagawa na rin daw ng raid sa nasabing mall na may kasama pang three-strike rule upang aksyunan ang talamak na pagbebenta ng mga pekeng produkto.
Gayunpaman, sa kabila ng mga ginawang hakbang upang matigil na ang pagbebenta ng mga pekeng produkto, makikita pa rin daw sa social media na puntahan pa rin ang Greenhills Shopping Center para sa mga peke o imitation products.
Dahil dito, ang Greenhills Shopping Center ay napabilang na sa listahan ng U.S. Counterfeit List simula pa noong 2022.
Samantala, 2011 pa nang mag-umpisa ang USTR na maglabas ng notorious market list upang magbigay ng awareness at maprotektahan ang American businesses at kanilang mga empleyado.
Ikaw, sa tingin mo ba ay kabilang pa rin ang Greenhills Shopping Center sa nasabing watchlist para sa taong 2025?