Hindi na nagdalawang-isip ang isang bride mula sa Uttar Pradesh, India na mag-walk out sa kanyang sariling kasal matapos hindi makasagot sa simpleng Math problem ang kanyang groom.
Bago pa man ang kasal ay nagdududa na ang babae sa educational background ng kanyang fiancé.
Ayon sa pinsan ng bride, hindi inilahad ng pamilya ng lalaki kung saan ito nag-aral; kaya pakiramdam ng pamilya ng babae, dinaya sila ng mga ito sa napagkasunduang arranged marriage.
Habang idinaraos ang kanilang kasal noong May 1, sinubukan ng bride na i-test ang kaalaman ng kanyang groom sa pamamagitan ng pagpapa-recite sa kanya ng multiplication table of two, subalit hindi ito nakasagot.
Dahil dito, umalis ang babae at sinabing hindi niya kayang pakasalan ang sinumang hindi marunong ng basic Math.
Nagkasundo naman ang pamilya ng dalawa na ibalik ang mga ibinigay na regalo at alahas sa isa’t isa dahil sa nakanselang kasal.
Hindi ito ang unang beses na may nag-walk out na bride sa India kung saan laganap ang arranged marriage.
Noong 2015, mayroon ding bride na ipinatigil ang kanyang kasal matapos sumagot ang kanyang groom ng 17 sa tanong na 15 plus 6.