Binalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang grupong nagbebenta ng mga card na katulad ng Senior Citizen card na inilalabas ng gobyerno.
Tinukoy ng SEC ang grupo na ‘Senior Citizen and Elderly Welfare Club of the Philippines Inc.’ na anila’y nagaalok ng naturang card o kung tawagin nila ay “scew cards” sa halagang P350 hanggang P600 sa mga taong edad 40 hanggang 59.
Ang nasabing card ay may hawig sa layout ng mga Senior Citizen card na iniisyu ng pamahalaan para sa mga edad 60 pataaas para mabigyan ng discount at iba pang pribilehiyo.
Kaya’t ang mga hindi pa senior ngunit nakakakuha na ng parehas na I.D ay nakakatamasa rin ng mga discount.
Nilinaw ng SEC na ang scew ay rehistrado sa ahensya ngunit bilang isang non-stock corporation lamang na nais magsulong ng maayos na asosasyon ng Junior Citizens na 40 hanggang 59 anyos.