ISANG consumer group ang nagbabala sa publiko laban sa nakabimbing Senate Bill No. 2699, o ang Konektadong Pinoy Act.
Ito’y dahil ang ilang probisyon ng panukalang batas ay bukas umano sa pang-aabuso ng digital scammers.
“Limiting or removing the oversight functions of the National Telecommunications Commission would close the door for consumers to bring up their grievances against inefficiency of foreign service providers,” pahayag ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3).
“Nakababahala na sa ilalim ng nakabimbing Konektadong Pinoy Act ay balak bawasan o alisin ang regulatory at oversight functions ng NTC, na kung mangyayari nga ‘yan at walang mapupuntahan ang mga konsyumer para ireklamo ang ‘di magandang serbisyo, o mga pagkukulang ng new industry players,” wika ni BK3 convenor, Atty. Karry Sison, sa isang statement.
Una rito, sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano, may akda ng SB 2699, na ang open access bill, na tinatawag ding Konektadong Pinoy Act, ay naglalayong mapagbuti ang access sa mabilis at abot-kayang connectivity sa buong bansa.
Sa panukala ni Cayetano ay hindi na kailangan ang legislative franchise para sa bagong telco player at hinihikayat din nito ang sharing ng imprastruktura ng telecom companies, at pamamahala sa alokasyon at paggamit ng radio spectrums.
Sinabi ng BK3 convenor na bago payagan ang bagong telco players na makaiwas sa masusi at mahigpit na trade requirements, dapat munang tiyakin ng pamahalaan na hindi magkakaroon ng cybercriminals at scammers na makapipinsala sa interes ng mga consumer.
“Kailangang tiyakin muna ng gobyerno na ‘di makapapasok sa internet ang cybercriminals na silang namiminsala sa mga konsyumer at negosyo, at maging sa seguridad ng ating bansa,” pagbibigay-diin ng BK3 convenor.
Dagdag pa niya: “Ang sobrang pagluluwag ng mga polisiya ay maaaring magdulot ng mas maraming problema kaysa sa solusyon.”