Kasabay ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay, nagpaabot ang Trabaho Partylist ng pagmamahal sa mga nakaranas at naapektuhan ng apat na sunod-sunod na lindol sa Mindanao.
“Kami ay lubos na nababahala sa kaligtasan ng ating mga kapatid sa Mindanao lalo na’t ang mga pagyanig ay nagtala ng higit sa magnitude 5.0,” wika ni Trabaho spokesperson Atty. Mitchell Espiritu.
Ayon sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS), tatlong lindol na may magnitude 5.9, 5.1 at 5.4 ang naitala sa Sultan Kudarat, samantalang ang ika-apat na magnitude 5.2 na lindol ay nangyari sa Davao Occidental.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo, hindi ito maaaring ipagwalang-bahala sapagkat ang buhay, kaligtasan, at hanap-buhay ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya ang nakasalalay.
Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng mabusising inspeksyon kung ano ang mga kailangan makumpuni sa mga opisina, gusali at maging mga bahay. Ito aniya ay dapat regular ding isinasagawa kagaya ng mga earthquake drill.
Para sa pangmatagalang aksyon sa kaligtasan ng publiko, isusulong ng Trabaho Partylist ang pagkakaroon ng komprehensibong panuntunan upang mapabuti ang workplace safety tulad ng mahigpit na pagpapatupad ng building code, regular na pagsasagawa ng safety drills, peryodikong risk assessment, at pagsasanay sa mga empleyado ukol sa disaster response at first aid upang mas maging handa sila sa oras ng sakuna.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng Trabaho, bilang 106 sa balota, na masiguro ang kaligtasan ng buhay at kabuhayan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya.