Nakatakdang maghain ng petsiyon ngayong araw ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kaugnay sa umento sa sahod ng mga manggagawa sa Central Visayas.
Ayon kay TUCP Vice President Luis Corral, maghahain ang kanilang grupo ng mosyon para dagdagan ang minimum wage sa Region 7, na kinabibilangan ng Cebu City kung saan, nais nilang dagdagan ng P200 mula sa kasalukuyang antas na P400 kada araw.
Ang naturang petsiyon ay hindi lamang dahil sa krisis sa langis bunsod ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia kundi kasunod ito ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Matatandaang noong nakaraang linggo, umapela ang TUCP ng P470 na dagdag sa pang-araw-araw na minimum na sahod sa National Capital Region (NCR) dahil narin sa gutom, malnutrisyon, at matinding pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin. – sa panulat ni Angelica Doctolero