Nakikipag-dayalogo ang grupo ng mga call center workers sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa panukalang pabalikin sa mga opisina o maging onsite work ang mga bpo employers at iba pang empleyadong naka-work from home basis simula sa Abril a-primero.
Ayon sa kinatawan ng Alliance of Call Center Workers (ACCW) na si Emman David, posibleng mabawasan ng malaking bilang ng mga manggagawa ang IT-BPO firms kung matutuloy ang pagbabalik trabaho sa mga opisina.
Sinabi ni David na napatunayan naman nila na nagagawa ang kanilang mga trabaho kahit nasa bahay kaya hindi dapat palitan ang sistema ng kanilang pagtatrabaho sa gitna ng pandemiya.
Dagdag pa ni David na kung nais ng gobyerno na pasiglahin ang ekonomiya at iba pang negosyo sa bansa, dapat na bigyang prayoridad ang kanilang hiling na palawigin pa ang remote work arrangements na magtatapos na sa Marso a-31.
Samantala, sa pahayag naman ng Department of Finance (DOF), maaari namang ipagpatuloy ng mga bpo company ang work from home setup pero mawawala ang kanilang tax incentives tulad ng income tax holidays at 5% tax on gross income sa kanilang kita.
Sinabi naman ni David na dapat suriin ng IT-BPO firms ang halaga ng mawawala sa kanilang buwis kumpara sa mawawalang mga empleyado. – sa panulat ni Angelica Doctolero