Kumpiyansa ang grupo ng mga doktor sa magagawa ng pamahalaan ngayong tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Nemencio Nicodemus Jr., Philippine College of Physicians (PCC) regent, sa ngayon ay hindi pa kailangan ng “time out” para sa mga health worker sa kabila ng pagsirit ng kaso ng nakahahawang sakit na naitala sa mga nakalipas na araw.
Ani Nicodemus, nais niyang magtiwala na mas magiging maayos ang pagtugon ng gobyerno sa problemang ito kumpara noong nakaraang taon.
Nuon aniya kasing nakaraang taon, walang “integrated approach” ang gobyerno sa pagtaas ng COVID-19 cases kaya’t humiling na sila ng time out para sa mga health worker ngunit dahil nakinig ang pamahalaan kaya’t mas naging epektibo ang paglutas sa nakahahawang sakit.
Pinangangambahan kasing muling mapuno ng COVID-19 patient ang mga ospital sa bansa kasabay ng muling pagtaas ng kaso ng nakahahawang sakit.