Posibleng makaperwisyo sa halip na makakabuti sa mga kababaihan ang bagong batas nagbibigay ng mas mahabang maternity leave.
Ito ang inihayag ni Employers’ Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz Luis, dahil kung magkakaroon ng pagkakataon ang mga employers, tiyak na mas pipiliin nilang kumuha ng mga lalaki kaysa babaeng manggagawa.
Binigyang diin pa ni Luis, halos siyamnapung (90) porsyento ng mga negosyo sa bansa ay maituturing na micro-business habang walong porsyento ang small businesses na hindi kakayanin pasanin ang expanded maternity leave law.
“Sa palagay namin makakaperwisyo sa kababaihan dahil siyempre kahit anong anti-discrimination na sabihin mo kapag talagang may choice ang kumpanya at wala kang trabaho ay hindi mapapasok ang iba diyan.”
Dagdag ni Luis, hindi man magresulta sa pagsasara ng mga kumpanya ang expanded maternity leave law, maaari pa rin itong makapagpahina ng loob sa ibang nagbabalak pa lamang magtayo ng negosyo.
“Hindi naman magsasara dahil lang diyan pero patong-patong ang pagtaas eh syempre mararamdaman ‘yan, makaka-discourage dun sa ibang employer, mag-iisip ka eh di ipunin ko na lang sa bangko ang pera ko, siguradong kikita at hindi ako malulugi.”
Labor department
Pinalagan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangamba ng mga negosyante na maaaring nilang ikalugi ang bagong batas hinggil sa expanded maternity leave.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kung titignan ang kasalukuyang birth rate sa Pilipinas, hindi na ganun kadami ang mga nagbubuntis at nanganganak tulad dati.
Binigyang diin pa ni Bello, para sa kalusugan ng mga mangagawa ang nasabing pribilehiyo na sa huli ay pakikinabangan din ng kumpanya.
“Dati-dati ang pamilya umaabot ng mga sampu o labing-dalawang anak, pero ang trend ngayon malaki na ang dalawa o tatlo, hindi na ganun karami ang pagbubuntis ngayon, at ang ibinibigay nating privilege na maternity leave ay para sa kalusugan ng worker, kapag ang worker ay malusog ay gaganda ang trabaho.” Ani Bello
Dagdag pa ng kalihim, wala rin aniyang magiging malakimng gasto ang mga kumpanya dahil mababayaran din ang mga ito ng Social Security System (SSS).
“’Yung employer hindi dapat magkuripot, dahil i-a-advance lang naman niya ‘yan eh, ire-refund naman siya ng SSS kaya walang masyadong damage sa employer ewan ko bakit masyado naman silang takot, kaya requisite diyan to be entitled to this expanded maternity leave, the worker should be a member of SSS at nakabayad siya ng atleast premiums.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)