Nagkilos protesta ang grupo ng mga guro sa harap ng tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), nagsagawa sila ng rally para ipanawagan na panagutin ang Department of Education (DepEd) sa usapin ng anomalya sa inisyu na mga laptop sa mga guro.
Matatandaang pumalo sa P2.4 billion ang pondong inilaan ng DepEd para sa mga laptop ng mga guro pero pawang mga outdated na ang mga ito at halos pahirapan sa paggamit.
Dahil dito, humiling ang grupo ng mga guro na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing isyu at pagsalitain ang ilang mga nakaupo sa procurement service ng dbm hinggil sa pagbili ng outdated laptops na nagkakahalaga ng P58,000.
Sinabi pa ng ACT na ang ganitong uri ng panggigipit kung saan, nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng DBM at DepEd ay isang uri ng kurapsiyon kaya’t nararapat lamang itong imbestigahan.
Samantala, binabatikos din ng grupo si dating DepEd Secretary Leonor Briones matapos ang naging reaksyon at pahayag nito hinggil sa nasabing isyu.
Iginiit din ng dating kalihim na wala siyang kinalaman sa mga biniling outdated na laptop at nagbabala na kaniyang kakasuhan ang sinumang magdadawit ng kaniyang pangalan sa katiwalian.
Sa kabila nito, umaasa ang ACT na mananagot ang nasa likod ng pagbili ng mga mamahaling laptop na hindi naman umano lubos na napapakinabangan ng mga guro.