Sumugod sa tanggapan ng Department of Budget and Mangement o DBM sa Maynila ang grupo ng mga guro.
Bitbit ang kanilang mga placard, humiga ang grupo sa kalsada para kondenahin ang pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi umano prayoridad ng DBM ang taas suweldo ng mga guro.
Ayon sa mga miyembro ng Manila Public School Teachers Association, insensitibo si Diokno sa hinaing ng mga pampublikong guro na tambak ang trabaho ngunit nagtitiis sa kakarampot na sahod.
Hiling ng grupo, iangat sa P25,000 kada buwan ang suweldo ng mga entry level teachers.
Una rito, sinopla ng DBM ang hirit ng ilang grupo ng mga guro na dapat doblehin rin ang kanilang sahod tulad ng ginawa sa mga pulis at sundalo.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang tanging naging direktiba sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte ay hanapan ng paraan kung paano maitataas pa ang suweldo ng mga guro.
Hindi aniya simple ang pagbibigay ng umento sa suweldo ng guro dahil umaabot sa 800,000 ang bilang ng mga ito sa buong bansa at mahigit sa 330 bilyong piso ang kailangang hanapin ng gobyerno para dito.
Maliban dito, sinabi ni Diokno na sa ngayon ay hindi na maituturing na mababa ang suweldo ng mga guro dahil ipinatutupad pa sa ngayon ang ikatlong bahagi ng Salary Standardization Law at masusundan pa ito sa susunod na taon.
“Mataas talaga ang suweldo, in fact merong pag-aaral diyan noong 2015-2016 na ang suweldo ng teacher natin sa public school ay twice the salary of the salary in private schools, third party study ito, so in fact ang trend ngayon naglilipatan ang mga teacher from the private school.” Ani Diokno
—-