Nanindigan ang grupo ng mga guro na dapat panagutin at makulong ang mga sangkot sa kontrobersyal na pagbili ng overpriced at outdated laptops ng Department of Education (DepEd) at ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Sa naganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, nanawagan ang dalawang grupo na hindi maaaring palagpasin ang isyu ng overpriced laptops at hindi dapat ito itulad sa isyu ng Pharmally, kung saan sangkit din ang PS-DBM sa bilyong bilyong pagbili ng personal protective equipment o ppes at pinalagpas na lang.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, hirap silang tanggapin ang naging dahilan ng DepEd na nahirapan silang abutin ang timeline upang makapag-distribute ng mga laptop.
Naniniwala naman ang Teachers’ Dignity Coalition, na pinaiikot lamang ng mga resource person ang tanong ng mga senador sa nasabing pagdinig.
Iginiit din ng grupo na dapat mayroong makulong sa isyu dahil hindi biro ang naturang isyu kung saan, sinamantala umano ng naturang ahensya ang pandemya upang kumita sa gitna ng maraming krisis sa edukasyon.