Nagkilos protesta ang ilang grupo ng mga health workers sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH) upang ipanawagan ang mga benepisyong hindi pa naibibigay sa kanila at pababain sa pwesto si Health Sec. Francisco Duque, III.
Kwinestyon ni Cristy Donguines, presidente ng Jose Rizal Memorial Medical Center Employees Union, kung saan napunta ang bilyun-bilyong pisong halaga ng pondo para sa COVID-19 benefits ng health workers.
Sinabi naman ni Donell Siazon, Pangulo ng University of Sto. Tomas Hospital Employees Union, na pakinggan ang health workers gayong unti unti nang umaalis sa bansa ang ilan sa mga ito.
Nanawagan naman ang Alliance of Healthcare Workers na ibigay na sa health workers ang mga nararapat na benepisyo.
Matatandaang iniulat ng DOH noong Setyembre na-disbursed na ang mahigit 14.3 bilyong pisong halaga ng benepisyo para sa healthcare workers na sumasaklaw sa period 1 na mula September 15 hanggang December 19, 2020 at period 2 na mula December 20, 2020 hanggang June 30, 2021. —sa panulat ni Hya Ludivico