Hinimok ng grupo ng mga magsasaka ang Department of Agriculture (DA) na ilabas ang mga pangalan ng mga opisyal at pulitikong nasa likod ng smuggling o pagpupuslit ng mga gulay sa bansa.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang pagkakaroon ng smuggling sa bansa ang siyang pumapatay sa sektor ng agrikultura.
Nabatid na nahihirapan ang mga magsasaka dahil sa mga negosyanteng iligal na nagpapasok ng mga gulay sa Pilipinas mula sa ibang mga bansa para kumita ng mas malaking halaga ng pera.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, may mga protektor mula sa matataas na opisyal ng pamahalaan kaya nakalulusot ang smuggling sa bansa.
Sa ngayon, nakikipagtulungan na ang Department of Agriculture (DA) sa iba pang ahensya ng gobyerno para pigilan ang paglaganap ng smuggling. —sa panulat ni Angelica Doctolero