Sumugod sa tanggapan ng National Capital Region – Regional Wage Board sa Maynila ang mga grupo ng manggagawa para iprotesta ang ginawang pagbasura sa mga petisyong inihain para hilingin ang dagdag sa sahod.
Ayon kasi sa wage board wala pang isang taon nang huling magpatupad ng umento sa sahod at wala pa ring sapat na basehan para dito.
Ngunit giit ng Kilusang Mayo Uno at Kilos Manggagawa, sapat ng dahilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, magkakasa pa ng malawakang kilos protesta ang mga grupo lalo’t malapit na anila ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.