Naglunsad ng kilos protesta ang grupo ng mga may-ari ng sari-sari store at karinderya kontra sa dagdag-buwis sa mga inuming matatamis at may asukal, na kabilang sa isinusulong na Tax Reform ng Duterte Administration.
Ayon kay Victoria Aguinaldo ng Philippine Association of Stores and Carinderia Owners, malaki ang epektong idudulot ng additional tax sa kanilang kabuhayan.
Kahit anya ibaba ang income tax rate ng mga manggagawa at paigtingin ang mga programa para sa mahihirap gaya ng “targeted cash transfer” na Pantawid Pamilyang Pilipino Program, hindi ito sapat upang maibsan ang epekto ng sugar Sweetened Beverage Tax.
Iginiit ni Aguinaldo na hindi rin naman maaaring umasa na lamang sa 4Ps ang maliliit na negosyanteng posibleng tamaan ng dagdag-buwis.
Bagamat ikinatuwa ng PASCO na tinanggal ang buwis para sa kape at gatas, ikinadismaya naman nila ang SSB Tax dahil ang mga inuming may halong matamis ang mabenta sa kanilang tindahan.
Sa bersiyon ng Kamara, 10 Pesos ang ipapataw na buwis kada litro ng inuming gumamit ng lokal na asukal at 20 Pesos sa mga ginamitan ng ibang pampatamis pero sa bersyon ng Senado, 9 pesos ang tax sa mga inuming may high fructose corn syrup at 4 Pesos at 50 Centavos sa kada litro ng mga gumamit ng caloric at non-caloric sweeteners.