Nakahandang magbigay ng P1 Billion ang isang grupo ng mga negosyante kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte para suportahan ang kandidatura nito sa pagkapangulo.
Ayon sa kaibigan ni Duterte na si dating North Cotabato Governor Emmanuel Piñol, sinabi ng grupong Anonymous Patriots for Peaceful and Progressive Philippines o AP4 na sa pamamagitan ng kanilang tulong pinansyal kay Duterte, maipakikita nila ang kanilang pagkamakabayan o ang pagmamalasakit sa pilipinas.
Ayon pa kay Piñol, ayaw nang magpakilala pa ng mga nasabing negosyante at tiniyak anya ng mga ito na hindi sila hihingi ng anumang kapalit.
Ang tanging hangad lang daw ng mga negosyanteng handang tumulong kay Duterte ay ang magkaroon ng bansa na walang krimen, walang droga, walang korapsyon at walang rebelyon.
Kinumpirma naman ng tagapagsalita ni Duterte na si Peter Laviña na mayroon ngang mayayaman at kahit mga hindi mayayaman na tao ang handang magbigay ng tulong pinansyal para lamang matuloy ang pagtakbo ng alkalde sa pagka-presidente.
By: Jonathan Andal