Humiling ng exemption sa liquor ban at paghihigpit sa curfew
Nanawagan ang grupo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry sa Boracay na bigyan ng exemption ang kanilang lugar pagdating sa pagpapatupad ng liquor ban at curfew.
Nakasaad sa liham na ipinadala ng PPCI-Boracay sa tanggapan ni Governor Florencio Miraflores, hiniling ng grupo ng mga negosyante sa isla na sana’y wag nang ipatupad ang liquor ban sa pamosong tourist destination ng bansa.
Kamakailan lamang, ipinatupad ng provincial government ang liquor ban at curfew hour sa buong aklan dahil sa naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon.
Sinabi ng grupo ng mga negosyante sa isla, na nais sana nilang gawing ala-1 hanggang ala-5 ng madaling araw ang curfew hour mula sa kasalukuyang alas-10 ng gabi hanggang ala-singko ng madaling araw.
Layon umano nito na mas ma-enjoy ng mga turista ang kanilang pagbisita sa isla ng Boracay.
Gayunman, iminungkahi rin ng grupo na dapat na isailalim muna sa RT-PCR test ang lahat ng mga nais na magtungo sa Boracay kabilang na mga taga-Malay at mula sa iba pang mga bayan sa Aklan.