Hinimok ng isang grupo ng mga Pinoy nurses ang gobyerno na alisin na nito ang cap o itinakdang bilang ng health workers na papayagang mag-abroad at bayaran ang mga nagsisilbing frontliner laban sa COVID-19.
Ayon kay Maristela Abenojar, national president ng Filipino Nurses United halos 30,000 healthcare workers ang hindi pa nakakatanggap ng ilang buwang suweldo nila, hazard pay at special risk allowance.
Tila aniya killing me softly ang nangyayari sa kanilang mga nurse unti-unti silang pinapatay sa pagiging exposed nang hindi nabibigyan ng sapat na proteksyon sa COVID-19 kasabay nito ay pinapatay din sila sa gutom.
Dahil dito ipinaabot ni Abenojar ang panawagan nila sa gobyerno lalo na ngayong malapit na ang pasko na maawa sa kanilang mga nurse at iba pang health workers at kumilos na para makuha nila ang perang para sa kanila.
Una nang inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-lift ng ban sa pagpapadala ng Pinoy health care workers sa ibayong dagat sa gitna ng COVID-19 pandemic na may limitasyon lamang na hanggang 5,000 kada taon.