Umapela ang grupo ng mga Filipino nurse sa gobyerno na tanggalin na ang deployment ban sa mga health workers at sa halip ay mag-hire ng 48k nurse para mapatatag ang public health system ng bansa.
Ayon sa pahayag ng Filipino Nurse United o FNU, walang katuturan ang pagpapatupad ng deployment ban sa mga nurse dahil batay mismo sa datos ng gobyerno, may sapat na bilang ng nurse ang bansa para matugunan ang pangangailangan ng publiko ngayong panahon ng pandemya.
Giit ng grupo, bagama’t pansamantala lamang ang naturang hakbang, malaking dagok ito para sa mga nurse na umaasang makakapagtrabaho na sa ibang bansa upang makatulong sa pamilyang iiwan dito sa Pilipinas lalo na ang mga nurse na gumastos na para magasikaso ng kanilang requirements.
Dapat aniyang galangin ng gobyerno ang karapatan ng mga nurse at iba pang health workers na maghanap ng mas magandang opurtunidad sa ibayong dagat.
Una rito, sinabi ni POEA Administrator Bernard Olalia na noong Hunyo 1 ay naabot na ang 5000 cap para sa mga bagong hire na health workers na bibyahe sa ibang bansa.