Umapela na sa International Court of Justice sa the Hague ang grupo ng mga Pilipinong naka-base sa Hong Kong at kasalukuyang stranded sa Pilipinas dahil sa ipinatutupad na travel ban doon.
Ayon kay Joms Ortega, isang guro sa kindergarten sa Hong Kong, nagpadala na ng liham ng apela sa International Court of Justice ang kanilang grupong #StrandedPH.
Ito aniya ay upang maipakalat nila ang impormasyon hinggil sa dinaranas nilang hirap matapos na hindi payagang makabalik sa Hong Kong dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Ortega, binubuo ang kanilang grupo ng nasa 1,000 mga overseas filipino workers (OFWs) sa Hong Kong na kinabibilangan ng mga guro, engineers, negosyante, designer, pilots, flight attendants, journalist, at domestic helpers.
Dagdag ni Ortega, nakahanda aniya ang mga kapwa niya OFW’s at miyembro sa #StrandedPH na pumirma sa waiver sakaling payagan na silang makabalik ng Hong Kong sa gitna ng COVID-19 outbreak doon.
Sa kasalukuyan nagpapatupad ang Pilipinas ng travel ban sa China at mga special administrative region nito na Hong Kong at Macau.