Pumalag ang grupo ng mga tsuper at jeepney operators sa panibagong taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa mga driver, apektado parin sila ng pandemiya kaya’t muli nanamang liliit ang kanilang kita dahil sa muling pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Aminado naman ang mga tsuper sa mga natatanggap na reklamo mula sa mga pasahero bunsod ng siksikan sa loob ng mga sasakyan dahil wala din umano silang magagawa kung ito lang ang paraan para makabawi sa mataas na presyo ng krudo kung saan, kalahati nalang sa isang libo ang kanilang naiuuwi sa pamamasada.
Samantala, sa naging pahayag naman ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), dapat nang payagan ang kanilang panawagan sa pisong dagdag sa pamasahe na tinapyas noong 2018 at gawin muling P10 ang minimum fare.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda, malaking bagay ito sa mga tsuper at jeepney operators lalot ramdan ngayon ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Nanawagan din ang piston sa LTFRB na madaliin na ang pag-release ng subsidiya sa mga jeepney driver at operators.