Nagbabala ang grupong Bantay Bigas na posibleng maging banta sa target na rice sufficiency ng bansa ang isinusulong ng Administrasyong Duterte na importasyon ng bigas.
Ayon sa grupo, malaki ang magiging epekto nito dahil makalalaban pa ng naturang mga inangkat na bigas ang lokal na bigas na inani ng mahihirap na mga magsasaka.
Kaugnay nito, hinimok ng grupo ang National Food Authority na gamitin ang 7 Bilyong Pisong pondo nito para sa pagbili ng palay para muling maibalik sa normal ang suplay ng bigas.
Matatandaang pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang importasyon ng 250,000 metriko toneledang bigas para muling punan ang stock ng NFA.