Magtitirik ng kandila sa harap ng Kampo Krame ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng grupong Bayan mamayang 4 p.m..
Layon nitong ipanawagan ang hustisya para sa mga anila’y biktima ng ‘extra judicial killings’ at ‘war on drugs’.
Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng Bayan, nananawagan silang wakasan na ang anya’y pekeng ‘war on drugs’ sa ngalan ng libu-libong pinaslang na inaalala ng kani-kanilang mga pamilya ngayong Undas.
Binigyang diin ni Reyes na hindi mawawala ang problema sa ilegal na droga kung ang target ay pawang mga mahihirap at kung ang namamalakad ay korap at sangkot rin naman sa recycling ng droga.
Sinabi ni Reyes na ang kaso ng ‘ninja cops’ at anya’y ‘disgraceful exit’ ni dating PNP Chief General Oscar Albayalde sa PNP ay nagpapakita ng saligang problema sa ‘war on drugs’ at kung bakit hindi ito magtatagumpay.