Pamamaril sa Amerikanong human rights lawyer sa Ifugao pinapaimbestigahan ng Grupong Bayan
Nananawagan ng agarang imbestigasyon at hustisya ang grupong Bayan sa insidente ng pamamaril sa isang Amerikanong human rights worker na nakabase sa Lagawe Ifugao noong Agosto 6.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, kasalukuyan nang nagpapagaling ang biktimang si Brandon Lee matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.
Aniya, ilang ulit nang pinaratangan si Lee bilang kasapi ng NPA.
Sinabi ni Reyes, posibleng may kinalaman ito sa nangyaring pamamaril sa Amerikanong human rights worker matapos naman umanong makaranas ito ng surveillance at panggigipit mula sa militar.
Dagdag ni Reyes, matagal nang naninirahan sa Pilipinas si Lee kasama ang pamilya nito at piniling maglingkod sa mga magsasaka sa kabila ng panganib.
Itinuturing din ni Reyes si Lee bilang unang US citizen na nabiktima ng counter insurgency campaign ng administrasyong Duterte.