Bukas ang Karapatan sa isasagawang imbestigasyon ng European Union at pamahalaan ng Belgium kaugnay ng alegasyong isa sila sa mga grupong ginagamit bilang front ng CPP-NPA.
Ayon sa Karapatan, bilang mga tagapagsulong ng karapatang pantao, nakahanda silang humarap sa anumang imbestigasyon hinggil sa kanilang mga gawain.
Sa ngalan na rin anila ito ng pagkakaroon ng makabuluhang diyalogo, transparency at accountability.
Muli namang binigyang diin ng Karapatan na malisyoso at walang katotohan ang mga akusasyon ng administrasyong Duterte laban sa kanila.
Iginiit ng Karapatan, paraan ito ng pamahalaan para pagtakpan ang napakaraming paglabag nito sa karapatang pantao gayundin ang takasan ang pananagutan sa mga nangyayaring extrajudicial killings sa bansa.
Una nang ipinabatid ng EU at Belgium ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa kahilingan ng AFP na ipatigil ang pagpopondo sa ilang mga non-government organizations na front umano ng komunistang grupo.
—-