Kinalampag ng environmental group na Kalikasan People’s Network ang Department of Justice para ipanawagang pigilan ang isinasagawang harassment sa kanilang hanay ng limestone company na Asturias Chemical Industries sa Calatagan, Batangas.
Ayon sa grupo, nakararanas ng panggigipit ang kanilang mga kasamahan na tutol sa limestone mining sa nasabing lugar kung saan, iligal ding inaaresto at sinasampahan pa ng mga pekeng kaso para patahimikin ang mga ito.
Ibinibintang din ng nasabing grupo sa naturang kumpaniya ang sunud-sunod na pananambang na ikinasawi ng kanilang mga kasamahan na sina lito casalla na pinuno naman ng samahang magbubukid sa Batangas nuong Agosto 3.
Gayundin ang ginawang pananambang at pagpatay kay Engracio Delos Reyes na siya namang vice president ng maliliit na mangingisda at magsasaka ng Calatagan nuong isang buwan.
Kasunod nito, hiniling din ng grupo sa DOJ na imbestigahan ang malinaw na EJK o extra-judicial killings at paglabag sa human rights sa kanilang lugar at palayain ang tinaguriang Calatagan Five na inaresto at ikinulong nuong Oktubre 06.