Nanawagan ang grupong Laban Konsyumer Incorporated sa Department of Energy o DOE na silipin ang nakaambang malakihang taas presyo sa mga produktong petrolyo na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis sa susunod linggo.
Kasunod ito ng naging pagtaya ng ilang mga source mula sa industriya ng langis na maglalaro sa dalawang piso at sampung sentimo hanggang dalawang piso at tatlumpung sentimo ang inaasahang taas presyo sa kada litro ng gasolina.
Habang piso at animnapung sentimo hanggang walumpung sentimo sa kada litro ng diesel at piso at limampung sentimo hanggang animnapung sentimo naman sa kada litro ng kerosene.
Ayon kay Laban Konsyumer Inc., President Vic Dimagiba, walang dahilan para magpatupad ng big time oil price hike ang mga kumpanya ng langis dahil luma pa ang mga nakaimbak nilang mga produkto o bago pa man nangyari ang insidente sa Saudi Arabia.
Binigyang diin ni Dimagiba, hindi tamang gamiting dahilan ng mga kumpanya ng langis ang nabanggit na sitwasyon para makapagpataas ng presyo.