Humingi ng pang-unawa sa publiko ang transport workers at commuters group na MANIBELA o Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon.
Ito’y bunsod ng kaunti na lamang ang mga driver na pumapasada sa gitna ng walang-prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inihayag ni MANIBELA chairman Mar Valbuena na barya na lamang o halos wala ng kinikita ang mga driver at operator at pahirapan na ang pagsabay sa service contracting na mas maraming tsuper at operator ang hindi naisama.
Epektibo simula ngayong araw ang bigtime price increase sa kada litro ng gasolina at diesel.
Dahil dito, umaapela ang MANIBELA sa Department of Energy na alamin kung paano maka-a-adjust ang transport sector sa patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo.
Samantala, hiniling din ng grupo na linawin ang mga detalye ng fuel subsidy program at madaliin na ang pamamahagi nito dahil malaking tulong ito sa mga driver.