Nagbanta ang grupong Manibela na palalawigin pa ang tigil-pasada hanggang ngayong linggo.
Ito’y ayon kay Manibela President Mar Valbuena, kung hindi parin babawiin ng gobyerno ang deadline sa pagbuo ng kooperatiba bilang bahagi ng modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Matatandaang hanggang December 31, 2023 na lamang ang franchise consolidation sa mga tsuper at operator ng mga public utility vehicle o PUVs.
Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na kailangang maka-paghain ng petisyon ang mga pampublikong sasakyan para makapagconsolidate upang hindi masuspinde ang kanilang prangkisa.
Giit ng grupong Manibela na ang ipinatutupad na franchise consolidation sa ilalim ng PUV modernization program ay malinaw na pagpatay sa kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino partikular na ng mga jeepney driver. - mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)