Patuloy sa pag-usad ang tropa ng militar papasok sa mga lugar na hawak ng Maute sa Marawi City.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, ina-abandona na ng Maute ang mga kinubkob nilang mga lugar.
Kamakalawa lamang anya ay naka-rekober ang militar ng dalawampung (20) matataas na kalibre ng baril at nakapagligtas ng mga na trap na residente.
“Patuloy pa rin po ang bakbakan at napasok na rin po natin ang karamihan sa mga dati nilang mga lugar at katunayan noong Sabado ay nakuha may nakuha tayong…mahigit bente (20) na high powered fire arms na na-recover ng ating mga tropa na nagpapakita, nagpapatunay na karamihan dito sa mga lugar na kanilang dating hawak ay ina-abandona na nila at ang mga armas ay iniiwan na nila”, ani Padilla.
AFP pinawi ang pangambang nakakalat na ang Maute Group
Pinawi ng Armed Forces of the Philippines ang pangambang nakakalat na ang Maute Group sa iba’t ibang panig ng Mindanao.
Pahayag ito ni Brig. General Restituto Padilla kasunod ng pagkaka-aresto sa kapatid na babae ng Maute brothers at dalawang (2) iba pa sa may Iloilo Port at pagkakahuli sa labing tatlong (13) miyembro ng Maute na nakatakas sa Marawi at nagpapagamot sa Zamboanga del Sur Medical Center.
Ayon kay Padilla, posibleng sa unang mga linggo ng labanan ay nakalabas na ang mga ito sa Marawi at humalo sa mga nagsisilikas na residente.
“Ang buong Mindanao para sa isang Mindanao wild alert para bantayan itong mga…noong mga unang araw po hindi pa po natin nailatag yung kompletong proseso, wala po tayong mga tauhang babae na siyang pwedeng sumiyasat sa mga ginang na dumadaan po sa mga checkpoint.”
“Nire-respeto naman po kasi namin itong mga kapatid nating Muslim, hindi po maaaring siyasatin kung saka-sakaling babae kung hindi babae ang mag che-check, so, ngayon nakalatag na po yan”, paliwanag ni Padilla.
Dahil dito, muling umapela si Padilla sa taongbayan na huwag mangingiming magbigay ng impormasyon sa otoridad sakaling may makita silang mga kahina hinalang tao sa kanilang lugar.
“Itong patuloy na panawagan namin na ang lahat ng ating kababayan ay dapat maging kabahagi sa ating security enhance posture para nang sa ganoon ang bawat sulok po ay nababantayan natin.”
“Yun pong ipinakita at ipinamalas ng mga residente ng Bohol, kung lahat po nagtutulungan, ay nagmamasid at nagbibigay ng abiso kung may mga kahina-hinalang tao mapapabilis po ang pagbibigay ng appropriate action ng mga relevant agency”, dagdag ni Padilla.
By Len Aguirre | Ratsada Balita Program (Interview)