Nagtipon tipon ang grupo ng mga motorcyle riders sa EDSA bilang protesta sa ipinatutupad na designated motorcycle lanes at planong pagbabawal sa kanila sa EDSA.
Ayon kay Don Pangan, tagapagsalita ng grupong Philippine Riders, itinaon nila ang protesta sa paggunita ng bansa sa human rights day kung saan isang maikling programa ang kanilang isasagawa bago magkaroon ng motorcade.
Iginiit ni Pangan, maituturing na isang uri ng paggigipit at paglabag sa karapatang pantao ang plano ng MMDA at Metro Manila Council na ipagbawal ang mga motorsiklo sa EDSA.
“Nagulantang nga kami nitong mga nakaraang araw, eh lumabas yung proposal ng MMC sa MMDA na tuluyan nang ipagbawal ang motorsiklo sa EDSA na parang “teka lang, tax payer din kami, diba? At bukod doon ay nagbabayad din kami ng road users’ tax tuwing nire-renew namin yung aming mga rehistro, bilyon-bilyong piso ang nakukuha ng gobyerno sa amin. Ideally ang motorcycle lane, okay yan. Ang problema, sa sikip ng kalsada natin, hindi pa physically applicable ang pagkakakaroon ng motorcycle lane”
Samantala, pinawi naman ni MMDA Assistant General Manager for planning Jojo Garcia ang agam-agam ng mga motoriders.
Paliwanag ni Garcia, hindi pa aprubado ang nasabing panukala at napag-usapan lamang bilang isa sa suhestiyon sa pagpupulong sa pagitan ng MMC at MMDA.
“Sa Metro Manila, nagkaroon po ng suhestiyon, pagpupulong na naman si Mayor Bistek po ay nag discuss na ng mga ganyan which, yan po kailangan pag usapan pero hindi po porket napag usapan ay approve na po kaagad. Yan po ay pagbobotohan ng Metro Manila Council at hindi po yan desisyon ng MMDA. Ang mga motorsikla po talaga ay sila po yung may mobility so pwede silang dumaan sa mga side streets at may datos din po tayo sa mga motorsiklo na napakaraming aksidente nyan”