Nananatiling blangko ang Philippine National Police (PNP) sa grupong responsable sa pagdukot sa 3 dayuhan at 1 Pinay sa isang resort sa Samal Island.
Sa kabila ito ng di umano’y iniwang note ng mga kidnappers na nagpapakilalang sila ay mga miyembro ng New People’s Army o NPA.
Ayon kay Senior Supt. Samuel Gadingan, Provincial Director ng Davao del Norte PNP, sa ngayon ay hinihintay pa nilang ma enhance ang mga nakuhang imahe mula sa CCTV footages upang maikumpara sa computer facial composite na ginawa naman batay sa paglalarawan ng dalawa pang dayuhan na bigong matangay ng mga kidnappers.
May mga testigo rin anyang nagsasabi na naririnig nilang nagsasalita ng Ingles ang mga kidnappers subalit hindi pa nila ito makumpirma.
Sinabi ni Gadingan na 11 armadong lalake ang nakita nila sa CCTV footages subalit dalawa lamang sa mga ito ang may dalang long firearms na kalimitan ay siyang armas ng Abu Sayyaf.
Ang mga biktima ay nakilalang sina John Ridsdel at Robert Hall, kapwa Canadian national, Norwegian national Kjartan Sikkengstad at Pinay na si Maritess Flor.
“Actually kasi dito sa Davao del Norte, isa lang kasi ‘yung lugar namin , yung isla, karamihan kasi ng natatanggap namin is more on the NPA side, yung information, pero specifically sa nangyaring insidente na ito, wala talaga kaming specific na intel na na-receive.” Pahayag ni Gadingan
Diversionary tactic
Tinawag naman na diversionary tactics ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pinalulutang na NPA ang nasa likod nang pagdukot sa Samal Island sa Davao del Norte.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, hindi sila kumbinsido na NPA ang dumukot sa 3 dayuhan at 1 Pilipina dahil hindi pa ebidensya ang iniwang sulat umano ng mga suspek.
Tumanggi namang mag komento sa posibleng nakitang trademark ng mga bandidong Abu Sayyaf sa naganap na pagdukot sa Samal Island.
Tiniyak ni Padilla ang buong suporta ng Army, Navy at Airforce sa hot pursuit operations para masagip ang mga bihag.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Judith Larino