Magkakaloob ng karagdagang life insurance coverage ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa 27, 682 na frontline workers ng gobyerno sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.
Ito ang inanunsyo ni GSIS President at General Manager Rolando Ledesma Macasaet matapos aprubahan ng GSIS Board of Trustees sa pangunguna ni chairman at former Chief Justice Lucas Bersain ang Bayanihan Fund for Frontliners (BFF).
Sa ilalim ng programang ito makakatanggap ang mga frontline workers na katuwang sa paglaban sa COVID-19 nang P500,000 insurance benefits.
Bukod pa umano ito sa P1-million death benefit na inilaan ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act at ng regular na life insurance benefit mula sa GSIS.
Ani Ledesma, isa ito sa paraan para maipakita nila ang suporta at pagkilala sa sakripisyo at kabayanihan na ginagawa ng mga frontliner worker.