Nakapagpalabas na ng P4-bilyong emergency loan ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni GSIS President Rolando Macasaet na posibleng lumaki pa ang maipalabas nilang pautang dahil tatagal pa ang pagbibigay ng emergency loan hangang sa July.
Ayon kay Macasaet, nasa mahigit 40,000 na nakapag-avail ng emergency loan sa kasalukuyan at lahat ng proseso ay ginagawa lamang online.
Sinabi ni Macasaet na maging ang mga nakakuha na ng emergency loan dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal ay maaari pa ring makapag-avail ng GSIS emergency loan.
Dati kasi, ang polisiya namin ay 20,000 lang, napansin ko, napansin ng Board of Trustees namin t’yaka ng management, ito pong mga nasa Batangas (…), sa Mindanao po, sa Davao, sa Zamboanga City —where I am from, hindi sila nakaka-utang kasi nga 20,000 lang. Ang ginawa nga po ng Board of Trustees namin, inakyat po namin ito to 40,000, kaya ngayon halos lahat na sila makakautang na ulit,” ani Macasaet.
Samantala, pinawi ni Macasaet ang pangamba ng mga may housing loans na lalaki ang kanilang babayaran sa sandaling matapos ang enhanced community quarantine (ecq).
Ayon kay Macasaet, hindi nila idadagdag sa monthly amortization ang mga hindi bayarin sa panahon ng ECQ kundi palalawigin lamang ang maturity ng loan.