Tiwala si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang kinalaman si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa napipintong paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Guevarra, tanging ang BuCor o Bureau of Corrections lamang ang nagsagawa ng computation ng GCTA o Good Conduct Time Allowance ng mga preso.
Aniya, may hawak nang good conduct record ang New Bilibid Prison ng lahat ng mga preso kabilang si Sanchez bago pa man ipalabas ng Korte Suprema ang desisyon hinggil sa karagdaagang GCTA ng mga bilanggo.
Dagdag ni Guevarra, nakabatay din ang pagbibilang ng BuCor sa GCTA ng mga preso sa “first in, first out basis.’’.
Magugunitang, isa si Panelo sa mga abogado ni Sanchez sa kasong panggagahasa at pagpatay sa mga UP Los Baños student na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez kung saan nahatulan itong guilty noong 1993.