Upang mapabilis ang pagsusulong sa imprastraktura ng bansa, sinelyuhan na ng pamahalaan ang implementing guidelines para sa Executive Order No. 59 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan.
Alinsunod sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law ang EO 59.
Layon ng kautusang ito na puksain ang red tape at padaliin ang pagproseso ng mga permit para sa Infrastructure Flagship Projects (IFPs) ng administrasyong Marcos.
Pangungunahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang inisyatibang ito sa ilalim ng NEDA Board Committee on Infrastructure (INFRACOM).
Matatandaang nauna nang iniutos ni Pangulong Marcos na “red carpet” dapat at hindi red tape ang pagtrato sa local at foreign investors na nais magpatayo ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
Sa ganitong paraan, inaasahang mas maraming mahihikayat na magpatayo ng kanilang negosyo sa bansa at mas maraming trabaho ang malilikha para sa mga Pilipino.