Inilabas na ng Department of Education (DepEd) ang guidelines para sa enrollment ng 2022-2023 school year na magsisimula sa August 22.
Alinsunod sa DepEd order no. 35 ang mga bagong enrollment process na dapat sundin ng mga school heads, mga guro, at mga magulang na ipatutupad mula July 25 hanggang August 22.
Nakasaad din sa guidelines, na maaring gawin ang enrollment sa pamamagitan ng in-person, remote, at dropbox forms.
Ayon sa DepEd, na sa ilalim ng in-person mode, pwedeng magpa-enroll ng personal ang mga magulang at estudyante kaakibat ang mariing pagtalima sa minimum health and safety standards.
Para naman sa remote enrollments, maaring lumagda lamang ng digital forms at ipadala sa official email address o anumang messaging platforms ng eskwelahan.
Samantala, pwede namang mag-fill out na lamang ng form sa bahay at isumite ito nang personal sa mga drop boxes ng mga paaralan na papasukan ng estudyante.
Una nang sinabi ni Vice President at Education secretary Sara Duterte na parehong ipatutupad ang in-person classes at distance learning mula Agosto hanggang Oktubre, habang magsisimula naman ang limang araw na face-to-face classes sa buwan ng Nobyembre.
Giit ni VP Inday Sara na ligtas nang makapagbubukas ngayon ang mga klase dahil nailatag na ang lahat ng health protocols sa nakalipas na dalawang taon.