Nag-isyu na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng guidelines na susundin sa pagdaraos ng simbang gabi o Misa de Gallo.
Sa circular ng CBCP, magpapatupad ng physical distancing, pagsusuot ng face masks at face shields sa mga idaraos na simbang gabi na tradisyunal na nagsisimula sa ika-16 ng Disyembre at tatagal hanggang ika-25 ng Disyembre.
Ipinabatid ng CBCP na batay sa konsultasyon sa mga obispo at mga pari, dadagdagan ang schedule ng mga misa para mas marami ang makapagsimba lalo’t iilan lamang ang maaaring makapasok sa mga simbahan.
Hinimok din ng CBCP na ituloy ang pagsasagawa g live streaming ng mga misa para maaaring makadalo online ang mga hindi makakapunta ng personal sa simbahan.
Ayon kay CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, ang dawn mss para sa Pasko ay pupuwede ring gawin ng umaga ng ika-25 ng Disyembre.
Dahil kailangang mahigpit na pairalin ang social distancing at bawal ang paghalik at paghawak, hindi isasagawa ang tradisyunal na paghalik sa imahe ng sanggol na si Hesus.
Sa halip sinabi ni Valles na ang mga magsisimba ay hinikayat na magdala ng sariling imahe nila ng Infant Jesus sa Christmas masses.