Naglabas na ng guidelines ang DOLE o Department of Labor and Employment kaugnay ng ipinatupad nilang total deployment ban ng mga Pilipino sa Kuwait.
Pero nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi saklaw ng naturang ban ang mga nasa ilalim ng Balik-Manggagawa o iyong mga nagbabakasyon lang sa Pilipinas at babalik din sa kanilang mga employer para tapusin ang kanilang kontrata.
Sa ilalim ng Administrative Order Number 54-A, sakop ng total deployment ban ang lahat ng uri ng mga manggagawang Pinoy na magta-trabaho sa Kuwait sa kauna-unahang pagkakataon.
Kasunod nito, nilinaw din ng kalihim na papayagan naman ang mga Pilipinong mandaragat o seafarers na daraan o kaya sasakay sa Kuwait kasama ng kanilang principal o employers.
Subalit kinakailangan muna itong sumailalim sa counter-checking process mula sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration ang kanilang mga OEC o Overseas Employment certificate na hindi naman saklaw ng naturang ban.
Posted by: Robert Eugenio