Nangako ang pamunuan ng Department of Tourism o DOT na kanilang bubusisiin ang guidelines ukol sa biyahe abroad ng kanilang mga opisyal at tauhan.
Ito ay matapos makitaan ng iregularidad ng Commission on Audit o COA ang mahigit 2 bilyong pisong halaga ng mga transaksyon ng DOT sa ilalim ng pamumuno ng dating kalihim nito na si Wanda Teo.
Ayon sa DOT, bagamat naninindigan ang kanilang ahensya na opisyal ang lahat ng kanilang biyahe, tiniyak nito sa COA na muli nilang sisilipin ang naging biyahe ng kanilang mga dating opisyal.
Batay sa COA report, si Teo kasama ang 93 pang DOT officials ay nakakuha ng traveling allowances na nagkakahalaga ng 19.29 million pesos sa kabila ng kawalan ng specific guidelines mula sa central office.
—-