Nagpalabas ng guidelines ang Food Drug Administration (FDA) kaugnay ng tamang pagbebenta ng mga alcoholic drinks o nakalalasing na inumin.
Batay sa circular number 2019-006 ng FDA, inaatasan ang lahat ng klase ng mga tindahan tulad ng convenience store, supermarket, grocery stores at iba pa na ilagay lamang iisang pwesto ang kanilang mga ibinebentang alcoholic drinks.
Kinakailangan ding lagyan ng malinaw na signage na may nakasulat na katagang “alcohol beverages”.
Dagdag ng FDA, lahat ng mga inuming may alcohol, gaano man kababa ang lebel nito, ay kinakailangang i-display sa designated area kasama ng ibang mga nakalalasing na inumin.
Binigyang diin pa ng ahensiya, malinaw ring dapat nakalagay sa label at promotional materials ng mga alcoholic drinks ang alcohol content nito.
Layon ng ipinalabas na guidelines ng FDA ang maprotektahan ang mga mamimili lalo na ang mga menor de edad.