Magpapalabas ang Malacañang ng panuntunan sa paggamit ng re-enacted budget ngayong 2019.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ipadadala ang guidelines sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ngayong linggo.
Kumpiyansa naman ang ahensya na pansamantala lamang ang paggamit ng re-enacted budget dahil nangako naman ang Kongreso na pagtitibayin ang panukalang batas sa national budget kapag nagbalik-sesyon na ang Kongreso.
Umaabot sa 3.7 trilyong piso ang pambansang pondo para sa taong ito.
House hearing
Samantala, sinimulan na ang imbestigasyon ng House Committee on Rules sa di umano’y anomalya at mga isiningit na pondo sa panukalang 3.7 trillion national budget para ngayong taon.
Ginawa ang naging pagdinig sa Avenue Hotel sa Naga City Camarines Sur na dinaluhan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 5, Department of Budget and Management (DBM) Region 5 Director Renato de Vera, opisyal ng Commission on Audit (COA), may-ari ng CT Leoncio Construction and Trading na si Consolacion Leoncio at iba pa.
Dito ay ibinunyag ni Deputy Speaker Rolando Andaya na sampung (10) milyong pisong infrastructure projects ang inilaan ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa Sorsogon noong 2018 ay nakuhang lahat ng CT Leoncio Construction.
Dagdag pa ni Andaya, konektado sa CT Leoncio ang Aremar Joint Venture na pag-aari ng manugang at anak ni Diokno.
—-