Tumaas ang presyo ng gulay mula Benguet dahil sa malakas na pag-ulang dala ng hanging habagat sa Northern Luzon.
Ayon kay Agot Balanoy, spokesperson ng League of Vendors Association sa vegetable trading post sa La Trinidad, Benguet, natapyasan ang supply ng highland vegetables at pahirapan din ang pagbiyahe sa mga naturang produkto mula sa mga taniman kaya’t tumaas ang presyo ng hanggang 45 pesos kada kilo.
Halimbawa na lamang aniya ang wholesale price ng repolyo na sumirit sa 50 kumpara sa dating 45 pesos kada kilo habang nadoble sa 40 pesos ang kada kilo ng patatas mula sa dating 20 pesos habang 30 hanggang 40 pesos ang carrots mula sa dating 20 hanggang 25 pesos kada kilo.
80% porsyento ng gulay sa bansa ay nagmumula sa Benguet tulad ng carrots, repolyo, cauliflower at letsugas at karamihan din ng mga ibinabagsak na gulay sa Metro Manila ay nanggagaling sa nabanggit na lalawigan.—sa panulat ni Drew Nacino