Patuloy na dumarami ang bilang ng mga gumuhong tulay bunsod ng hagupit ng bagyong Paeng.
Bumagsak ang Marabong bridge sa Brgy. Tamburaga, bayan ng Burauen sa Leyte kahapon.
Ayon sa mga residente, luma at marupok na ang tulay at kinakain ng malakas na agos ng tubig ng gilid nito sa tuwing bumabaha.
Sa ngayon ay nakaabang na ang mga kawani ng lokal na pamahalaan upang abisuhan ang mga motorista na huwag munang daanan ang tulay.
Gumuho naman ang Paliwan bridge sa Antique bunsod ng malakas na agos ng tubig.
Hindi naman madaanan ang Oyungan bridge sa bayan ng Miagao, Iloilo matapos gumuho ang bahagi nito at pansamantalang isasara para sa lahat ng uri ng sasakyan.
Bumigay naman at hindi na madaanan ang Nituan bridge na nagdurugtong sa Parang, Maguindanao at Lanao Del Sur dahil sa pagragasa ng malakas na tubig.
Dahil dito, wala munang biyahe mula Cotabato patungong Pagadian at Cotabato – Marawi, Cotabato – Iligan, pati na rin Cagayan De Oro.
Samantala, isang detour bridge ang nasira sa Naval, Biliran kung saan 186 pamilya ang inilikas sa evacuation center. —mula sa panulat ni Hannah Oledan