Nalansag ng pinagsanib na pwersa ng AFP o Armed Forces of the Philippines at PNP o Philippine National Police ang sinasabing pabrika ng baril ng BIFF o Bansamoro Islamic Freedom Fighters sa Brgy. Poblacion, Buluan sa Maguindanao.
Kasunod ito ng ikinasang operasyon ng CIDG-ARMM, PNP Special Action Force at Philippine Army sa bisa ng search warrant laban sa isang Abusama Abpun, isa umanong iligal na manufacturer ng armas.
Ayon kay CIDG Regional Chief Senior Supt. James Gulmatico, sinasabing supplier ng baril ng mga kriminal ang suspek, kabilang na ang BIFF.
Narekober sa operasyon ang tatlong M4 carbine rifles, isang M1 carbine, anim na 9mm tomgram, isang 12 gauge shotgun, isang tripod ng caliber 50 heavy machine gun at ilang mga piyesa ng baril.