Posible umanong maabswelto ang self-confessed gunman na si Joel Escorial sa Lapid slay case kung magiging state witness laban sa mastermind ng krimen.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Department of Justice secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring gawing testigo ng gobyerno si Escorial kung ituturo nito ang mastermind sa krimen.
Ayon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), kung isisiwalat ng gunman ang nalalaman nito sa may pakana ng pagpatay sa hard-hitting broadcaster at makapasa ito sa kailangang requirements, posible itong payagan ng Korte na madischarge kung saan, katumbas nito ang isang acquittal o abswelto.
Nilinaw din ng IBP na maaari ring maghain ng mosyon sa hukuman ang pamilya ni Mabasa upang humiling ng independent autopsy sa bangkay ng unang umano’y “middleman” na si Crisanto Villamor, Jr.
Matatandaang si Crisanto Villamor Jr. ang itinuturong middleman na nag-utos kay Escorial sa pagbaril-patay kay ka-Percy na nasawi rin kamakailan sa National Bilibid Prison (NBP) Hospital matapos umano ang pagsikip ng dibdib nito at mawalan ng malay kung saan, lumabas sa paunang autopsy ng NBI na walang tama ng bala at anumang external physical injury si Villamor.