Kinilala na ng Malacañang ang gunman sa pamamaslang sa kolumnista ng isang tabloid sa Pampanga.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary at co-chairperson ng Presidential Task Force on Media Security Martin Andanar, ang suspek na si Armando Maglaya Velasco ay nagsisilbing Public Relations Officer sa isang lokal na peryahan na nag-ooperate sa Arayat.
Si Velasco ang siyang nakita sa CCTV video na pumasok sa sasakyan ni Jupiter Gonzales at kasama kung saan nagkaroon ng mainit na argumento na humantong sa pamamaslang.
Nagsumite na aniya ng surrender feeler ang suspek sa pamamagitan ng kanyang maybahay.
Sa huli, sinabi ni Andanar na pagpapakita lamang ito na hindi titigil ang Administrasyong Duterte na mapanagot ang mga nasa likod ng pang-aabuso at pamamaslang sa mga miyembro ng media.