Hawak na ng pulisya ang gunman sa pamamaslang sa brodkaster na si Percy Lapid matapos sumuko sa awtoridad kahapon.
Sa ginanap na press briefing ni DILG Sec. Benhur Abalos, iprinisenta nito sa media kung saan kinilala itong si Joel Estorial, 39 na taong gulang na taga-Quezon City.
Sinalaysay ni Estorial ang dahilan ng kanyang kusang pagsuko sa otoridad at ang ilang impormasyon sa nag-utos sa kanya upang patayin si Lapid.
Ayon ka Estorial, hindi niya intensyon ang pamamaslang sa brodkaster at iniutos lamang ito ng isang nagngangalang Orly na taga Batangas.
Habang ang kumontrata naman aniya sa kanila ay mula sa Bilibid kapalit ng 550,000 pesos na pinaghatian nilang anim kung saan 140,000 pesos ang kanyang nakuhang parte.
Kusang loob din aniya siyang sumuko dahil nakokonsensya na ito sa ginawang pamamaslang at humingi ng tawad sa pamilya ni Lapid.
Samantala, kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga pulis ang mga kasabwat ni Estorial kabilang na dito ang dalawang magkapatid na sina Edmun at Israel Dimaculangan.
Habang hindi muna pinayagan ng mga otoridad na magtanong ang media sa nasabing suspek habang umuusad pa anila ang naturang imbestigasyon. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)